Sunday, July 19, 2009
Life's Hardships and Struggles
Ang buhay ay puno ng paghihirap, alam ko. Sa simula pa lamang sa araw na ako ay ipinanganak noong ika-27 ng Mayo taong 1988, alam kong naranasan ko ng maghirap sa unang pagkakataon sa aking pagkabuhay. Ito ay dahil sa isang panibagong mundo na aking nahagilap na talaga nga namang napakalaki ng kaibahan sa noong ako ay nasa sinapuponan pa lamang ng aking ina. Sa tulong ng mga taong nakapaligid sa akin lalo na ang aking mga magulang na nagmulat sa akin sa mundong ito, ang mga paghihirap at takot ay aking nalampasan. At sa tulong at pagpapahintulot na rin ng Poong may Kapal. Matagal ko nang tinatahak ang landas na ito at alam kong malayo pa talaga ang daan na kailangan kong tahakin. Sa aking pagtahak nito, natuto ako sa takbo at daloy ng buhay at mundo. Ang buhay ay hindi pala palaging madalian. Kung ang iyong nais ay karangyaan, kasiyahan at walang humpay na tagumpay, bago mo man ito maabot eh ang dami mo pa palang pagsubok na dapat na malampasan, at sakit na dapat mong maranasan. Dapat mong kalimutan ang iyong mga takot at kahinaan sa mga panahong kailangan mo nangmamili sa kung anong alam mo na tama at kung alin o ano ang makakapagpasaya sayo. Sa pagtahak ko sa landas na ito alam kong marami pang darating na mas malalaki at mas nakakatakot na mga pagsubok at paghihirap. Pero kahit papaano ay may kasangga na ako, ang mga maling naging aral na sa akin na siyang nagpapalakas at nagbibigay sa akin ng kaalaman sa kung ano na ang dapat kong gawin sa susunod, upang ang mga pagkatalo ay hindi na mauulit pang muli. Ang buhay ay puno nga naman talaga ng mga pagsubok, alam ko. Pero kailangan kong tanggapin ang mga hamon ng KAHAPON upang makayanan ko ang hampas ng NGAYON at matuwid ko ang sarili kong BUKAS. Ang mga karanasan konh iyon ay isang napakalaking tulong para sa akin. Kailangan kong tumayo ng mag-isa para sa aking sarili dahil alam kong wala akong ibang masasandalan kung hindi ang akin na ring sarili. May takot ako noon na baka hindi ko makaya dahil alam kong mahina ako pero may nakapagsabi sa akin na walang sino man ang mahina kong ang Poong may kapal na mismo ang pinagkukunan mo ng lakas . Ngayon, alam kong palagi lang siyang nandito sa akin, ginagabayan, pinuprotektahan at tinutulongan sa ano mang bagay na aking kailangan. At ang lahat ng ito at kung saan man ako ngayon, o bukas, ay ipinapasalamat ko sa kanya. Grasya niya ito na nakarating ako ngayon sa kinaruruonan ko. hav a happy reading
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


No comments:
Post a Comment